Dagupan City – Mas tumibay ang kaso ng House prosecution laban kay Vice President Sara Duterte matapos kumpirmahin ng dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta sa impeachment proceedings ang pag-release ng ₱125 milyong confidential funds kay Col. Raymund Dante Lachica.
Sa testimonya ni Acosta, sinabi niyang si Vice President Duterte ang nag-utos na ibigay ang nasabing pondo kay Lachica.
Para kay Constitutional Law Expert at Political Analyst Atty. Joseph Emmanuel Cera, mahalaga ang naging testimonya ni Acosta dahil may nauna na itong opisyal na pahayag sa House of Representatives.
Aniya, kung babawi o sasalungat man ang testigo sa kaniyang mga naunang pahayag, maaari itong gamitin ng prosecution upang i-confront siya sa impeachment proceedings.
Bagama’t itinuring si Acosta bilang hostile witness, naging mahinahon ang pagtatanong ni Atty. Tony Ligutan. Sa halip na direktang komprontahin ang testigo, sinikap nitong makuha ang loob nito upang mailabas ang mahahalagang detalye kaugnay ng confidential funds.
Bilang Special Disbursing Officer, kabilang sa mga tungkulin ni Acosta ang pag-release ng confidential funds at paghahanda ng mga dokumentong kaugnay ng paggamit nito.
Dito rin nakatuon ang prosecution sa mga dokumento at papeles na maaaring magpatibay sa chain of authority at magpakita kung sino ang nagbigay ng direktiba sa pag-release ng pondo.
Para kay Cera, malaking hamon ito sa depensa ni Vice President Duterte dahil hindi lamang testimonya kundi mga dokumento rin ang kailangang kontrahin ng defense team.
Dagdag pa niya, maaaring magkaroon ng epekto sa political capital ng bise presidente ang sunod-sunod na testimonya at ebidensyang inihaharap laban sa kaniya.
Gayunman, ang mga alegasyon at testimonya ay bahagi pa lamang ng impeachment proceedings at mananatiling nakasalalay sa impeachment court ang magiging pagsusuri at pinal na hatol sa mga ito.










