Dagupan City – Makikipag-ugnayan ang Pangasinan Provincial Government sa Dagupan City at iba pang local government units (LGUs) upang matugunan ang problema sa pagbaha sa lalawigan.

Ayon kay Pangasinan Governor Ramon Guico III, hindi kayang solusyunan ng isang LGU lamang ang problema sa drainage system at mga ilog, kaya mahalaga ang koordinasyon at kooperasyon ng bawat lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga susuriin ng provincial government ang mga permit at iba pang batas na may kaugnayan sa mga drainage system, waterways at mga ilog upang matukoy kung may mga kailangang ayusin o ipatupad nang mas mahigpit.

--Ads--

Samantala, patuloy ang monitoring sa mga river system sa Pangasinan matapos maitala ang pagtaas ng water level sa ilang lugar.

Nasa above normal level ang Agno/Bañaga River at Balingcaguing River, habang umabot naman sa critical level ang Sinucalan River, Marusay River at Pantal River.

Hinimok naman ang mga lokal na pamahalaan at mga residente sa mga lugar na malapit sa ilog na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa mga awtoridad habang patuloy ang pagbabantay sa kondisyon ng mga ilog.

Iginiit ng provincial government na kailangan ang sama-samang pagkilos ng mga LGU upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa problema sa pagbaha sa Pangasinan.