Malaking hamon ang mga may-ari ng mga shed sa Tondaligan Beach dahil sa epekto ng sunod-sunod na bagyo at patuloy na pag-ulan na nagresulta sa pagbaba ng kanilang kita.
Ayon kay Resty Tamayo, OIC ng Tondaligan Shed Owners Association, halos dalawang linggo nang hirap kumita ang mga shed owners dahil sa masamang panahon. Para sa marami sa kanila, pangunahing pinagkukunan ng kita ang kanilang mga cottage at shed kaya direktang naaapektuhan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at kabuhayan ng kanilang pamilya.
Sa kasalukuyan, wala pa namang malaking pinsalang naitala sa mga cottage area, ngunit patuloy itong minomonitor dahil sa posibilidad ng panibagong bagyo at malakas na pag-ulan. Samantala, nakararanas ng pagbaha ang tatlong bahagi ng Tondaligan na tinatawag na Alimango, Bangus at Hipon, na nakaaapekto sa paglilinis at paghahanda sa mga lugar para sa mga turista.
Nananatili namang may ilang turista na pumupunta sa Tondaligan Beach, subalit limitado ang kanilang mga aktibidad dahil sa pagbabawal sa pagligo bunsod ng kondisyon ng panahon. Dahil dito, nababawasan ang mga pagkakataong kumita ng mga shed owners, lalo na tuwing weekend kung kailan karaniwang dumarami ang mga bumibisita mula sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan.
Patuloy naman ang paglilinis ng mga shed owners sa mga bahaging maaari nilang maabot upang mapanatiling maayos ang paligid at maihanda ang lugar sa muling pagdagsa ng mga turista kapag bumuti ang panahon. Hinikayat din ang mga kasamahan nilang shed owners na makiisa sa paglilinis ng Tondaligan upang mapanatili itong malinis at ligtas para sa mga bisita.
Umaasa ang mga cottage owners na agad bubuti ang panahon upang makabalik sa normal ang operasyon at unti-unting makabangon ang kanilang kabuhayan. Inaasahang kapag naging maaraw na ang mga susunod na araw, muling dadami ang mga bisita at mabibigyan ng pagkakataon ang mga shed owners na makabawi sa nawalang kita.










