Sinampahan ng iba’t ibang reklamo sa Office of the Ombudsman ang bise alkalde at dating alkalde ng Magalang, Pampanga dahil sa hindi naipatayong housing project para sa mga mahihirap na pamilya.

Sa tulong ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), inihain ang reklamo laban kina Vice Mayor Eller Pecson at dating Mayor Romulo Pecson na umano’y nagpasimula ng naturang proyekto.

Kabilang sa mga reklamong kinakaharap ng mag-anak na Pecson ang graft, grave misconduct, serious dishonesty, abuse of authority, at conduct prejudicial to the best interest of service.

--Ads--

Ayon sa legal counsel na si Atty. Jerome Asperin, umabot sa 1,706 na mahihirap na benepisyaryo ang nangarap magkaroon ng sariling bahay ngunit nabigo at walang napala.

Ibinunyag ng isa sa mga complainant na humigit-kumulang P10 milyon na ang kabuuang naipondo at naibayad ng mga residente mula noong 2019, ngunit wala man lang kahit isang hollow block na naitayo sa lugar.

Dahil dito, nanawagan si VACC President Arsenio “Boy” Evangelista sa Ombudsman na imbestigahan ang kaso upang mabigyang-katarungan ang ipinagkait na pangarap ng mga pamilyang nabiktima.