Dagupan City – Nagpakita ng malasakit sa kalikasan ang mga youth leaders at iba pang volunteers sa pagsasagawa ng Coastal Clean-up Drive sa Lingayen Beach at Tree Planting Activity sa Livelihood Training Center.

Pinangunahan ng Local Youth Development Office (LYDO) ang mga aktibidad katuwang ang Youth for Environment and Active Leadership (YEAL), JCI Lingayen Liberation 2, at mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK).

Naging matagumpay ang programa sa tulong at suporta ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan.

--Ads--

Layunin ng coastal clean-up drive na mapanatili ang kalinisan ng baybayin ng Lingayen at mapalakas ang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa pangangalaga sa kapaligiran.

Samantala, isinagawa naman ang tree planting activity bilang bahagi ng pagsusulong ng mga programang nakatuon sa pangangalaga at pagpapanumbalik ng kalikasan.

Ipinakita ng mga kalahok ang kanilang pagkakaisa at aktibong pakikilahok sa mga gawaing makakalikasan, na nagpapatunay sa mahalagang papel ng kabataan sa pagtataguyod ng isang mas malinis, luntian, at maaliwalas na komunidad para sa susunod na henerasyon.