Ipinapaubaya na ng House Prosecution panel sa Senate Impeachment Court ang desisyon o discretion ukol sa sabay na pag-usad ng impeachment case at criminal case ni Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay House Legal Spokesperson Benjamin Tolosa Jr., natanong ang abogado sa reaksiyon ng House panel ukol sa pahayag ng kampo ni VP Sara na isang ‘dangerous precedent’ sa mga impeachable official kung sabay ang pag-usad ng impeachment complaint at ng criminal case laban sa pangalawang pangulo dahil maaari na ring makasuhan at usigin nang sabay ang iba pang impeachable official tulad ng Pangulo, Ombudsman, mga mahistrado ng Supreme Court, at iba pa.

Ayon kay Tolosa, ipinapaubaya na ng House panel sa local court at sa impeachment court ang desisyon kung papaboran ba ang kampo ni VP Sara na hindi na dapat ituloy ang criminal case dahil umuusad na ang impeachment complaint.

--Ads--

Ang kasong kriminal ni VP Sara ay nag-ugat sa kaniyang pagbabanta kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at presidential cousin na si Rep. Martin Romualdez, noong November 2024.

Ang naturang isyu ay isa rin sa mga grounds o basehan ng impeachment complaint laban kay VP Sara.

Sa kabila nito, sinabi ni Tolosa na magkaiba ang liability at quantum of evidence na hinahanap sa dalawang hiwalay na proceedings kung sakali mang magsabay na umusad.

Una nang nangako ang kampo ni Duterte na maghahain ang mga ito ng manifestation para igiit ang pangangailangan na magsagawa ng oral arguments sa motion to quash ng pangalawang pangulo, dahil malawak at mabigat ang magiging epekto ng mga kasong ito, hindi lamang sa nasasakdal kundi sa iba pang impeachable officials sa bansa.

Sa kabilang banda, umaasa ang House panel na hindi magkakaroon ng ‘complete gag order’ sa kabila ng naunang pagpuna ng defense team at ng impeachment court sa naging post ni Atty. Virgil Ligutan kamakailan ukol sa isyu ng misleading questions.

Aniya, kung bubusalan ang parehong panig, tiyak na mamamayagpag ang fake information, lalo na sa online na walang nagbabantay at hindi na rin napapasadahan ng korte.