Inakusahan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang China ng paggamit ng disinformation para ilihis ang pangunahing isyu kasunod ng pag-aresto ng Chinese nationals sa Pilipinas at mahigit 100 Pilipino sa China.

Sa pahayag ni Teodoro nitong Sabado, Agosto 15, sinabi niyang iniiwasan ng Chinese Foreign Ministry ang mahalagang tanong kung sangkot ba sa ilegal na aktibidad ang mga Chinese national na inaresto sa Pilipinas.

Aniya, “ang simple at malinaw na sagot ay oo.”

--Ads--

Kabilang umano sa mga alegasyon laban sa mga suspek ang paggamit o pagproseso ng substandard at radioactive-contaminated steel, pagtatapon ng maruming tubig sa mga ilog, at pagpapakawala ng nakalalasong usok.

Ayon kay Teodoro, suportado ang mga alegasyon ng “hindi maitatangging ebidensya” na nakalap sa pamamagitan ng mga search warrant na inilabas ng mga korte sa Pilipinas.

Inakusahan din niya ang ilang opisyal ng Chinese Embassy ng pakikialam sa local law enforcement at pagbabanta ng pagganti laban sa mga Pilipino.

Ito ay kasunod ng anunsyo ng China na nagsagawa ito ng operasyon laban sa mahigit 100 Pilipino dahil umano sa ilegal na pagtatrabaho at paninirahan.

Astronomy

Gayunman, iginiit ni Teodoro na ang mga Chinese national na inaresto sa Pilipinas ay hindi lamang ordinaryong manggagawa, kundi mga pangunahing nagpapatakbo umano ng mga ilegal na negosyo.

Sinabi rin niyang tila mas nakatuon ang China sa usapin ng visa at pasaporte ng mga suspek kaysa sa mga alegasyon kaugnay ng ilegal na aktibidad ng mga ito.

Pinabulaanan naman ni Teodoro ang pagtatangka umanong iugnay ng China ang kaso ng mga Pilipino sa China sa mga operasyon ng Philippine law enforcement.

Tinawag niya ang pinakahuling pahayag ng Chinese Foreign Ministry laban sa kanya na isang “classic squid tactic” o paggamit ng disinformation sa pamamagitan ng pag-iwas sa pangunahing isyu.