Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dating Filipino beauty queen at limang Russian women na umano’y biktima ng human trafficking sa isang operasyon sa Makati City.

Ayon sa NBI, isinagawa ng International Operation Division ang operasyon sa isang five-star hotel noong Miyerkoles ng gabi.

Naaresto ang 42-anyos na suspek matapos nitong tanggapin ang marked money mula sa isang undercover agent.

--Ads--

Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na nakatanggap sila ng intelligence report tungkol sa suspek na umano’y nagdadala ng mga babae at nag-aalok sa kanila para sa sexual favors kapalit ng malaking halaga ng pera.

Ang mga nasagip na babae ay dinala na sa pangangalaga ng mga social worker sa Makati.

Ayon kay Matibag, ang Filipina ay isang dating beauty queen na kilala sa industriya.

Samantala, nagpakilalang foreign models ang limang Russian women, ngunit sinabi ng NBI na tourist ang kanilang immigration status.

Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Russian Embassy para sa mga nasagip na dayuhan.

Inaasahang kakasuhan ng qualified human trafficking ang naarestong suspek. Via Bombo John Florez