Dagupan City – Naglunsad ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ng libreng sakay para sa mga Pangasinense na nahihirapang bumiyahe dahil sa walang humpay na pag-ulan at kondisyon ng mga kalsada sa lalawigan.

Sa pangunguna ni Governor at PDRRMC Chairman Ramon V. Guico III, sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), maaaring makasakay nang libre ang mga biyaherong bumabagtas sa rutang Lingayen-Dagupan at Dagupan-Calasiao, kabilang ang pabalik na biyahe.

Layunin ng programa na mabigyan ng ligtas at maaasahang transportasyon ang mga residenteng apektado ng pagbaha at nahihirapang makabiyahe dahil sa patuloy na pag-ulan.

--Ads--

Inaasahang makatutulong ito upang mapanatili ang paggalaw ng mga mamamayan habang patuloy na nararanasan ang masamang panahon sa lalawigan.

Hinimok naman ang mga Pangasinense na manatiling maingat at mapagmatyag sa kondisyon ng panahon at mga kalsada.

Pinapayuhan din ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at unahin ang kaligtasan sa bawat pagbiyahe.