Patuloy na mino-monitor ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga lugar sa lalawigan na apektado pa rin ng pagbaha bunsod ng mga nakalipas na pag-ulan at patuloy na epekto ng habagat.
Ayon kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng Pangasinan PDRRMO, nasa 17 barangay pa rin sa siyam na munisipalidad at dalawang lungsod ang nakararanas ng pagbaha batay sa kanilang pinakahuling monitoring at koordinasyon sa mga local government unit.
Mula sa kabuuang 302 barangay sa 22 munisipalidad na unang naapektuhan, umabot naman sa 210,410 pamilya ang naitalang affected population.
Bagama’t karamihan sa mga inilikas ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan, mayroon pa ring mga residenteng nananatili sa evacuation centers.
Ayon kay Chiu, 419 pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers, habang 43 pamilya naman ang pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan o ibang mas ligtas na lugar.
Kabilang sa mga lugar na patuloy na mino-monitor dahil sa mataas na lebel ng tubig-baha ang Calasiao at ilang bahagi ng Dagupan City.
Samantala, wala pang nadagdag sa mga local government unit na nagdeklara ng state of calamity.
Nananatili sa tatlo ang mga LGU na may naturang deklarasyon Dagupan City, Mangaldan at Santa Barbara.
Ayon kay Chiu, patuloy na pinag-aaralan ng PDRRMO kung kinakailangan nang magrekomenda ng state of calamity para sa buong lalawigan.
Ipinaliwanag niyang maraming parameter ang kailangang isaalang-alang bago gumawa ng naturang rekomendasyon, kabilang ang bilang ng mga apektadong residente, lawak ng mga binahang lugar, halaga ng pinsala at kakayahan ng mga komunidad na makabangon at harapin ang epekto ng kalamidad.
Patuloy aniyang isinasagawa ng kanilang tanggapan ang assessment at kung kinakailangan, maghahain sila ng rekomendasyon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Samantala, lumampas na sa P175 milyon ang kabuuang halaga ng pinsalang naitala sa lalawigan.
Pinakamalaki sa mga naapektuhan ang sektor ng agrikultura, na umabot sa mahigit P127 milyon ang pinsala.
May naitala rin umanong mga nasirang bahay, kabilang ang anim na totally damaged at 124 na partially damaged houses.
Sa kabila ng unti-unting pag-uwi ng mga evacuee, nananatiling nakaalerto ang PDRRMO dahil sa posibilidad ng panibagong malakas na pag-ulan.










