Umusbong ang pagtatalo hinggil sa paggamit ng misleading questions sa cross-examination sa ika-15 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Law Expert at Political Analyst, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan pangunahing tuntunin sa cross-examination ang paghamon sa pundasyong inilatag ng opposing counsel sa direct examination.
Aniya, dapat ay alam ng abogado ang sagot sa mga itatanong sa cross-examination, habang kinakailangan ding may kaugnayan ang mga tanong sa isyung tinatalakay. Pinapayagan din umano ang paggamit ng leading questions o mga tanong na maaaring sagutin ng “yes” o “no” sa cross-examination.
Ipinaliwanag ni Cera na iba ang proseso sa direct examination, kung saan karaniwang iniiwasan ang leading questions. Sa bahaging ito, mas ginagamit ang mga tanong na nagsisimula sa “why,” “how,” “who,” at “when” upang malayang maipaliwanag ng testigo ang kaniyang sagot.
Sa cross-examination naman, maaari umanong gumamit ng leading questions na diretso at maaaring sagutin ng “yes” o “no.”
Naging usapin ito sa paglilitis matapos magtanong si Defense counsel Atty. Kristine Ferrer sa testigong si Xylene Del Campo, ngunit nag-elaborate ang testigo sa kaniyang sagot.
Dito iginiit ni Prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan na hindi dapat gumamit ng misleading questions sa cross-examination.
Matatandaang pinuna rin ni Kapunan ang umano’y pagpapatigil ni Ferrer sa testigo habang nagsasalita pa lamang ito.
Samantala, iginiit naman ng depensa na hindi direktang sinasagot ng testigo ng “yes” o “no” ang mga tanong nito. Binigyang-diin din ng depensa na may pagkakataon ang prosecution na magtanong ng clarificatory questions sa redirect examination.









