Dagupan City – Ipinapagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang karagdagang mga flood mitigation measure sa Provincial Capitol Complex sa Lingayen upang mapabilis ang pag-agos at paghupa ng tubig-ulan tuwing malakas ang buhos ng ulan.
Ayon kay Pangasinan Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III, bahagi nito ang pagtatayo ng bagong drainage system sa loob mismo ng Capitol Complex matapos mapag-alamang hindi na sapat ang maliliit na drainage na kasalukuyang nagsisilbi sa lugar upang saluhin ang malaking volume ng tubig-ulan.
Kasabay nito ang planong paglalagay ng flood gates na maaaring isara kapag mataas ang tide upang maiwasan ang pagpasok ng tubig sa Capitol Complex.
Maglalagay rin umano ng open water-impounding facility at isang cistern o imbakan ng tubig, na susundan ng pagtatayo ng pumping station upang makatulong sa mabilis na pagpapalabas ng naipong tubig.
Ipinaliwanag ni Guico na hindi naman tuluyang maiiwasan ang pagbaha kapag napakalakas ng ulan, ngunit ang pangunahing layunin ay mapabilis ang paghupa ng baha upang agad na makabalik sa normal ang mga operasyon, serbisyo at aktibidad pang-ekonomiya sa lugar.
Target ng provincial government na kapag malakas ang ulan at bahain ang Capitol Complex, mas mabilis na mag-subside ang tubig sa halip na manatili ito nang matagal.
Ayon pa sa gobernador, kung magiging matagumpay ang sistemang ipatutupad sa Capitol Complex, maaari itong magsilbing modelo at iangkop sa iba pang local government units o LGUs na madalas ding nakararanas ng pagbaha, kabilang ang Calasiao at Sta. Barbara.
Samantala, sinabi ni Guico na nakatutulong na rin ang isinagawang dredging sa mga ilog at creek sa Calasiao bilang bahagi ng River Restoration and Flood Mitigation Project ng lalawigan.
Aniya, mas mabilis nang dumaloy ang tubig sa lugar kumpara noon na umaabot pa ng ilang araw bago tuluyang humupa ang baha.
Binigyang-diin ng gobernador na kailangan ang koordinasyon ng iba’t ibang LGU dahil hindi kayang tugunan ng isang bayan lamang ang problema sa pagbaha, lalo na sa mga lugar na magkakaugnay ang daluyan ng tubig.
Layunin ng provincial government na maisabay ang mga hakbang sa drainage improvement, dredging, water impounding at pumping upang magkaroon ng mas mabilis at mas organisadong sistema sa pagtugon sa pagbaha sa mga lugar na madalas maapektuhan ng malakas na pag-ulan.










