Inamin ng testigo ng prosekusyon na si Xylene Del Campo na base sa kaniyang sariling interpretasyon na dapat may “mahuli” bilang proof of success para sa payment of rewards mula sa confidential fund.

Ito ang tugon ng testigo nang tanungin ni Presiding Officer Francis Escudero kung sarili niyang interpretasyon at hindi nakasaad sa joint circular, na dapat may mahuli para sa payment of rewards.

Ang tinutukoy na circular ni Escudero ay ang Joint Circular 2015-01 na nagsisilbing opisyal na gabay para sa paggasta at pag-audit ng Confidential at Intelligence Fund ng pamahalaan.

--Ads--

Ipinaliwanag din ni Del Campo nang tanungin ng presiding officer na ang pinagbasehan niya dito ay ang iba niyang na-audit na mayroong naka-attach na dokumento ng payment of rewards na nagpapatunay na may nahuli.

“But do you have any knowledge na ‘yong mga previous predecessor mo ‘yan din ‘yong standard na ginamit,” tanong ni Escudero sa testigo.

Sagot ni Del Campo: “Pare-pareho po kami na base sa joint circular ang aming basis ng audit.”

“Pero wala nga ‘dun e, ” giit ni Escudero “So interpretasyon mo yan at interpretasyon din ng mga nauna sayo sa pagkakaalam mo,” dagdag na tanong ng presiding officer.

“Sa akin po, ‘yon po ‘yong naging interpretasyon ko,” tugon ni Del Campo.

Ipinaliwang din ng testigo ang pagkakaiba ng payment of rewards sa purchase of information. Aniya, maaaring ituring na purchase of information kung walang nangyaring untoward incident habang sa payment of rewards, kailangan na may nahuli bilang proof of success.

Nang tanungin naman ni Defense counsel Atty. Kristine Ferrer kung bawal magbigay ng tip kung walang nangyaring untoward incident dahil napigilan base sa confidential information, tinutulan ito ni Prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan sa pagsasabing misleading ang katanungan ng depensa.

Aniya, pinaghahalo ng depensa ang payment of rewards at payment for information. Ipinunto ni Kapunan na hindi ang payment for information ang dinis-allow ng COA at ang hinihingan ng dokumento ay ang proof of success para sa payment of rewards.

Nang tanungin ni Presiding Officer Francis Escudero ang testigo na kapag nagiimbestiga sa banta sa bise presidente at may nagbigay ng impormasyon na walang banta, hindi ba ito maaaring iklasipika bilang reward, sagot ng testigo na pasok ito bilang impormasyon.