Tuluyan nang nalusaw ang Bagyong Dolphin matapos humina at tuluyang mawala bilang isang tropical storm sa Pacific Ocean.
Ayon kay Gener Quitlong, Weather Forecaster, bagama’t hindi pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Dolphin, nagdala naman ito ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Quitlong na wala nang aktibong bagyo o Low Pressure Area (LPA) sa loob ng PAR. Gayunman, isang LPA ang namataan malapit sa boundary ng PAR sa bahagi ng Pacific Ocean.
Aniya, ang nasabing LPA ay nasa labas pa ng PAR ngunit may posibilidad na maging bagyo sa loob ng susunod na 24 oras.
Kapag ito ay pumasok at lumakas, maaari nitong muling palakasin ang Southwest Monsoon o Habagat na maaaring magdulot ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Gayunman, posible ring lumayo ang naturang weather disturbance at hindi makaapekto sa bansa.
Samantala, inaasahang mas magiging maganda at mas maaliwalas ang panahon sa ilang bahagi ng bansa ngayong araw, bagama’t maaari pa ring magkaroon ng mga panandaliang pag-ulan bunsod ng Habagat at iba pang localized thunderstorms.
Patuloy namang pinapayuhan ang publiko na manatiling nakatutok sa mga susunod na weather update at abiso ng mga awtoridad.










