Dagupan City – Umabot na sa lagpas tuhod ang tubig-baha sa ilang bahagi ng Barangay Poblacion Oeste sa Dagupan City, dahilan upang magsimulang lumikas ang ilang residenteng nakatira malapit sa ilog.

Ayon kay Barangay Captain Mark Anthony Gutierrez, halos lahat na ng lugar sa kanilang nasasakupan ay nakararanas ng pagbaha, habang patuloy na dumarami ang mga residenteng humihingi ng tulong para sa evacuation.

Sa ngayon, limang indibidwal na ang naitala ng barangay na lumikas dahil sa biglaang pagtaas ng tubig. Inaasahan naman ng barangay na maaaring umabot sa sampu ang bilang ng mga lilikas kung magpapatuloy ang pagtaas ng tubig at malakas na pag-ulan.

--Ads--

Nanawagan si Gutierrez sa mga residente na agad makipag-ugnayan sa barangay kung kinakailangan nila ng tulong para sa paglikas. Mayroon din umanong nakahandang mga gamot para sa posibleng kaso ng leptospirosis.

Kasabay nito, nanawagan din ang barangay ng relocation para sa mga residenteng nakatira sa bahagi ng Careenan Creek area upang maiwasan ang patuloy na panganib dulot ng pagbaha.

Samantala, ayon kay Noli Raz, isang nagtatrabaho sa bahagi ng Poblacion Oeste, lubhang naapektuhan na rin ng baha ang kanilang lugar dahil sa walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan.

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang pinapayuhan ang mga residenteng nasa mabababang lugar na maging alerto at agad lumikas kung kinakailangan.