Dagupan City – Umabot na sa higit 51,500 pamilya mula sa 183 barangay sa lalawigan ng Pangasinan ang naapektuhan ng patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.

Ayon kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, nananatili sa Blue Alert Status ang kanilang tanggapan upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng sama ng panahon.

Patuloy din ang pagsasagawa ng pre-emptive evacuation sa mga lugar na itinuturing na nasa panganib ng pagbaha.

--Ads--

Samantala, mahigpit na tinututukan ng mga awtoridad ang mga ilog na patuloy na tumataas ang lebel ng tubig.

Kabilang dito ang Sinucalan River sa Sta. Barbara at Marusay River sa Calasiao na kapwa mas mataas na sa critical level.

Mas mataas naman sa normal level ang tubig sa Pantal River sa Dagupan, Balingcaguing River sa Mabini, at Camiling River sa Camiling, Tarlac.

Nasa normal level naman ang Agno/Bañaga River sa Bugallon, habang patuloy ding minomonitor ang Bued/Cayanga River sa San Fabian.

Sa pinakahuling datos, 54 barangay sa sampung munisipalidad at lungsod ang nakaranas ng pagbaha.

Dahil dito, muling nagpaalala ang PDRRMO sa publiko na manatiling alerto at makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.

Dahil dito pinayuhan ni Chiu ang mga residenteng nasa danger areas na lumikas agad kung kinakailangan at huwag nang hintayin pang lumala ang sitwasyon.

Hinihikayat din ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at huwag silang palabasin kung hindi naman kinakailangan, lalo na sa mga lugar na apektado ng pagbaha at malakas na agos ng tubig.