Kasama na sa mga priority measures ng administrasyong Marcos ang dalawang panukalang batas ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na naglalayong palakasin ang suporta sa mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang dito ang Senate Bill No. 1991 o Agricultural and Fisheries Extension Services Act at Senate Bill No. 1990 o Agricultural Cooperatives Act, na kapwa isinama sa mga priority bills na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Ayon kay Pangilinan, mahalagang maisabatas agad ang dalawang panukala upang magkaroon ang mga magsasaka at mangingisda ng mas matibay na institutional support, access sa teknolohiya at bagong kaalaman, at mas maayos na sistema ng kooperatiba.
Sa ilalim ng SB 1991, bubuo ng mas matatag at coordinated na national extension system para makapagbigay ng technical assistance, research-based technologies, climate-smart farming practices at tuloy-tuloy na capacity-building sa mga magsasaka at mangingisda.
Samantala, layunin naman ng SB 1990 na muling itatag ang Bureau of Agriculture Cooperatives at palakasin ang kakayahan ng mga agricultural cooperative na makapag-organisa at makipagkumpitensya sa merkado.
Sa pamamagitan nito, target na mapabuti ang access ng mga magsasaka at mangingisda sa financing, markets, equipment at mga oportunidad para sa value-adding ng kanilang produkto.
Giit ni Pangilinan, kailangang magkaroon ng konkretong sistema at serbisyo sa sektor ng agrikultura at pangingisda, lalo na’t patuloy na kinakaharap ng mga magsasaka at mangingisda ang mataas na production costs at kakulangan sa access sa makabagong teknolohiya at kaalaman.
Naniniwala rin umano ang senador na konektado ang dalawang panukala sa pangmatagalang food security ng bansa dahil ang mas matatag na sektor ng agrikultura at pangingisda ay makatutulong sa pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagpapalakas ng buying power ng mga Pilipino.
Sa huli, sinabi ni Pangilinan na handa umano siyang makipagtulungan sa kanyang mga kasamahan sa Senado, Kamara at ehekutibo upang maisabatas agad ang dalawang panukala.





