Dagupan City – Magkasamang nagsagawa ng inspeksyon sina Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramay at Santa Barbara Mayor Carlito S. Zaplan sa daloy ng tubig sa Sinucalan River at NIA Dam sa Barangay Ventinilla sa bayan ng Santa Barbara.
Ito ay bilang paghahanda sa posibleng epekto ng patuloy na pag-ulan na dulot ng sama ng panahon.
Layunin ng isinagawang inspeksyon na personal na masuri ng mga lokal na opisyal ang kasalukuyang antas ng tubig at matiyak ang kahandaan ng dalawang bayan sakaling patuloy na tumaas ang lebel ng tubig at magkaroon ng pagbaha.
Nakiisa rin sa monitoring ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Santa Barbara, kasama sina Calasiao Vice Mayor Kevin Roy Q. Macanlalay, ilang konsehal, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan.
Bukod sa Sinucalan River at NIA Dam, sinuri rin ng mga opisyal ang iba pang kritikal na lugar na karaniwang nakararanas ng pagbaha.
Sa pamamagitan nito, layunin nilang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang aksyon at ang pinakaangkop na interbensyon batay sa sitwasyon ng bawat komunidad.
Kapwa itinuturing na catch basin at mabilis bahain ang Calasiao at Santa Barbara, kaya mahalaga ang koordinasyon ng dalawang lokal na pamahalaan, lalo na ngayong patuloy ang pag-ulan.
Ayon sa mga lokal na opisyal, ang magkatuwang na pagmomonitor at mabilis na palitan ng impormasyon ay makatutulong upang makapaghanda ng mga hakbang para maiwasan o mabawasan ang epekto ng malawakang pagbaha.
Patuloy naman ang monitoring ng mga lokal na awtoridad at pagpapatupad ng mga safety measure upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Hinikayat ang mga mamamayan na manatiling alerto, subaybayan ang mga opisyal na abiso ng lokal na pamahalaan at agad na sumunod sa mga kinakailangang safety protocol sakaling lumala ang kondisyon ng panahon.










