Pinaiigting ng Dagupan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at City Engineering Office ang monitoring, paghahanda at pagtugon sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha sa lungsod.
Ayon kay Ronald de Guzman ng Dagupan CDRRMO, 24 oras kada araw at pitong araw kada linggo ang monitoring ng kanilang tanggapan, maging may bagyo o wala, upang agad na matukoy ang mga posibleng panganib na dulot ng pagbabago ng panahon.
Kapag may namataang weather disturbance, agad umanong inirerekomenda ng CDRRMO ang pagsasagawa ng pre-disaster risk assessment kasama ang city government, mga national government agency at Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committees (BDRRMC).
Kapag nakita ang posibleng banta, agad ding nagpapadala ng mga team sa mga barangay upang makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at ipabatid ang mga kinakailangang paghahanda.
Kasabay nito, ina-activate ang BDRRMC at kanilang operations center upang matiyak na naka-alerto at nakahanda ang mga responder sakaling kailanganin ang agarang pagresponde.
Samantala, sinabi naman ni Engr. Josephine Corpuz, City Engineer ng Dagupan Engineering Office, na patuloy nilang tinututukan ang mga barangay na hindi pa ganap na naa-upgrade at ang mga lugar na kasalukuyang may isinasagawang infrastructure projects.
Ayon kay Corpuz, may ilang lugar na nakararanas pa rin ng problema sa daloy ng tubig habang nagpapatuloy ang mga proyekto. Gayunman, agad umano silang naghahanap ng pansamantalang solusyon upang mabawasan ang epekto ng pag-ulan.
Isa sa mga halimbawa nito ang Vangosville, kung saan nagkaroon ng problema sa tubig habang nagpapatuloy ang proyekto. Bilang agarang hakbang, nagsagawa ang engineering team ng water pumping upang makatulong sa mabilis na pag-alis ng tubig.
Sinabi rin ni Corpuz na karamihan sa mga dating problemadong lugar sa mga barangay ay naaksyunan na, habang ang ilan sa mga natitirang dapat tutukan ay mga interior road.
Sa kasalukuyang pag-ulan, sinabi ni Corpuz na karamihan sa mga lugar na dati nang nakararanas ng pagbaha ay hindi na nakikita ang parehong antas ng problema, maliban sa mga lugar na hindi pa ganap na naaayos o natatapos ang kanilang mga proyekto.
Patuloy naman ang koordinasyon ng CDRRMO at City Engineering Office sa mga barangay upang matukoy ang mga natitirang problemadong lugar, mapabilis ang pagtugon at mabawasan ang panganib ng pagbaha.








