Dagupan City – Nagbabala si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III laban sa pagpapakalat ng bomb threats at iba pang banta, lalo na kung ginagawa gamit ang cellphone at social media.
Ayon kay Torre, maaaring sampahan ng kaso ang mga gumagawa ng ganitong banta at maaaring gamitin ng mga awtoridad ang mga legal na proseso upang matukoy ang nasa likod ng mga mensahe, kabilang ang warrant para sa paghahanap at pagsamsam ng computer data at electronic devices.
Aniya, nakikipagtulungan ang mga social media platform sa mga awtoridad sa mga kasong may kaugnayan sa terorismo. Maaari umanong makatulong ang registration details ng mga account sa pagtukoy sa mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng bomb threats.
Binigyang-diin ni Torre na dapat maging responsable ang publiko sa paggamit ng social media at iwasang magpakalat ng banta o maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot at makompromiso ang seguridad ng mga paaralan at komunidad.
Samantala, pinaalala rin niya ang kahalagahan ng mabilis na pag-uulat sa mga awtoridad kapag may natanggap o nakitang bomb threat upang agad itong maimbestigahan at mapanatili ang kaligtasan ng publiko.









