Ipinasa ng Barangay Landan sa Polomolok, South Cotabato ang Anti-Gossip Ordinance o ang pagbabawal sa pagiging chismosa upang mabawasan ang mga alitan at hindi pagkakaunawaan nang magkakapitbahay.

Matapos umanong dumami ang mga away na nagsimula sa pagpapakalat ng maling impormasyon, mapanirang tsismis at mga kuwentong walang sapat na basehan.

Ayon kay Barangay Kagawad Joey Salazar Minggito, na siyang may-akda ng Barangay Ordinance No. 8, Series of 2026, maraming reklamo sa barangay ang nag-uugat sa maling mga kuwento tungkol sa ibang residente.

--Ads--

Sinabi ni Minggito na nauubos ang oras ng mga opisyal sa pag-aayos ng mga away na maaari sanang naiwasan kung naging maingat lamang ang mga residente sa pagpapakalat ng impormasyon.

Suportado naman ng ilang residente ang ordinansa dahil maaari umanong masira ng tsismis ang pagkakaibigan, relasyon sa pamilya at samahan ng magkakapitbahay. Via Bombo John Florez

Nilinaw ni Minggito na hindi nito ipinagbabawal ang malayang pagpapahayag.

Target lamang umano ng ordinansa ay ang mapanirang tsismis na mapatutunayang may sapat na ebidensiya matapos ang imbestigasyon.

Inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Polomolok ang ordinansa noong Hulyo 10, 2026.

Sa ilalim ng ordinansa, pagmumultahin ng P1,000 ang unang lalabag at P1,500 naman sa ikalawang paglabag.

Maaari ring atasan ang mapatutunayang lumabag na humingi ng public apology sa social media, bukod sa multa.

Umaasa ang mga opisyal ng Barangay Landan na makatutulong ang ordinansa para mabawasan ang away, mapanatili ang magandang relasyon ng magkakapitbahay at mahikayat ang mga residente na ayusin ang kanilang mga problema sa maayos na paraan.