Naglabas ang DENR-Mines and Geosciences Bureau Region 1 ng listahan ng mga barangay na susceptible o posibleng makaranas ng pagguho ng lupa at pagbaha dulot ng malakas o tuloy-tuloy na pag-ulan.

Ayon kay Andrea Montenid ng DENR-MGB Region 1, nasa 3,165 barangay sa Ilocos Region ang kabilang sa mga lugar na susceptible sa rain-induced landslide at flood.

Sa bilang na ito, 545 barangay ang nasa Ilocos Norte, 721 sa Ilocos Sur, 558 sa La Union, at 1,341 sa Pangasinan.

--Ads--

Kabilang sa mga lugar na ito ang mga komunidad na maaaring makaranas ng pagbaha, pagguho ng lupa, pagragasa ng tubig-baha o flash flood, at pagkalaglag ng mga debris kapag nakaranas ng malakas o tuloy-tuloy na pag-ulan.

Karaniwang kabilang sa mga lugar na susceptible sa landslide ang mga nasa gilid ng bundok, matatarik na lugar at dalisdis, habang mas mataas naman ang posibilidad ng pagbaha sa mga mabababang lugar, gayundin sa mga komunidad na malapit sa ilog, creek at drainage system.

Dahil dito, inirekomenda ng DENR-MGB sa Regional Office ng Office of Civil Defense at Department of the Interior and Local Government na paalalahanan ang mga local government unit, Disaster Risk Reduction and Management Office at mga komunidad na panatilihin ang heightened state of preparedness at vigilance.

Hinimok din ang mga awtoridad na patuloy na bantayan ang mga lugar na may critical geohazards at maging alerto sa posibleng pagguho ng lupa, pagbaha, flash flood at pagragasa ng debris.

Kung kinakailangan, inirekomenda rin ang pagsasagawa ng preemptive evacuation sa mga komunidad na nasa mga lugar na itinuturing na mapanganib.

Samantala, hinikayat ang mga local government unit na magkaroon ng mahigpit na koordinasyon sa mga barangay na prone sa landslide at iba pang hazard upang agad na makapaghanda at makaresponde sakaling lumala ang kondisyon ng panahon.