Umabot sa 125 senior citizens sa Binmaley ang nakatanggap ng cash gift mula sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) bilang pagkilala sa kanilang pag-abot sa edad na 80, 85, 90, 95 at 100 taong gulang.
Ayon kay Leon Castro Jr., OSCA Head ng Binmaley at OSCAHAP Pangasinan President, kabilang sa benepisyong ipinagkakaloob ng programa ang ₱10,000 cash gift para sa mga senior citizen na umabot sa edad na 80, 85, 90 at 95, habang ₱100,000 naman ang nakalaan para sa mga umabot sa 100 taong gulang o centenarians.
Tiniyak naman ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) Binmaley na 100 porsiyento ng mga kwalipikadong benepisyaryo sa bayan ay nakatanggap ng kanilang cash gift, kabilang ang ilang senior citizen na nasa ibang bansa na nabigyan sa pamamagitan ng kanilang bank account o GCash.
Patuloy din ang monitoring ng OSCA upang matukoy ang mga senior citizen na aabot sa kwalipikadong edad sa kasalukuyang taon. Inaatasan ang mga barangay president na magsumite ng aplikasyon at kinakailangang dokumento upang agad na maiproseso ang kanilang benepisyo.
Bukod sa national cash gift, mayroon ding lokal na programa ang Pamahalaang Bayan ng Binmaley para sa mga nakatatanda. Kabilang dito ang ₱500 birthday cash gift para sa mga senior citizen at ₱200 registration assistance na nagmumula sa lokal na pondo para sa senior citizens.
Binigyang-diin ni Castro ang kahalagahan ng patuloy na pagkilala at pag-aalaga sa mga senior citizen na naging bahagi ng pag-unlad ng komunidad, kabilang ang mga retiradong empleyado, propesyonal, magsasaka, mangingisda at iba pang mamamayang naglaan ng kanilang panahon at serbisyo sa bayan.
Sa pamamagitan ng OSCA Binmaley at OSCAHAP Pangasinan, patuloy ding isinusulong ang iba pang programa at panawagan para sa kapakanan ng mga nakatatanda, kabilang ang pagkakaroon ng mas malawak na suporta at universal pension para sa senior citizens.









