Inihayag ng isang Tricycle Operators and Drivers Association sa Dagupan na bagama’t may bahagyang rollback sa presyo ng gasolina, hindi pa rin ito sapat upang maramdaman ng mga tsuper ang malaking ginhawa dahil mas malaki umano ang mga naunang taas-presyo.

Ayon kay Bernardino Abulencia ang presidente ng Jovellanos TODA, nasa 60 hanggang 80 sentimo lamang ang ibinaba ng presyo ng gasolina, samantalang umaabot sa P4 hanggang P5 ang mga nakaraang pagtaas nito.

Gayunman, iginiit niyang hindi gaanong naaapektuhan ang kanilang hanapbuhay dahil naging maayos na ang sistema ng pila sa kanilang TODA.

--Ads--

Aniya, pantay-pantay na ngayon ang kita ng mga tsuper dahil sa ipinatupad nilang maayos na dispatching system.

Wala na aniyang nakalalamang sa biyahe at hindi na rin kinakailangang mag-agawan ng pasahero.

Dati, may mga driver na kumikita ng hanggang P1,000 hanggang P1,500 sa isang araw habang ang iba ay halos walang naiuuwi.

Sa kasalukuyan, mas patas na ang pagkakataong kumita ang bawat miyembro.

Ibinahagi rin ni Abulencia na ilang dekada na ang problema sistema ng pila ng TODA ngunit ngayon ay naayos na.

Saad niya na obligado nang manatili ang lahat ng driver sa terminal sa halip na kumuha ng pasahero sa iba’t ibang lugar.

Dahil dito, mismong ang mga pasahero na ang lumalapit sa terminal upang sumakay.

May ipinatutupad din aniyang disiplina sa kanilang hanay.

Ang mga lalabag sa mga patakaran ay binibigyan muna ng babala at isinusumbong sa opisina ng POSO.

Kapag umabot sa ikatlong paglabag, saka lamang ipinapataw ang kaukulang parusa.

Sa kasalukuyan, nasa 155 ang nakarehistrong mga tsuper sa kanilang asosasyon, bagama’t tinatayang nasa 110 lamang ang aktibong pumapasada.

May ilan na ring tumigil sa pamamasada at lumipat sa ibang hanapbuhay tulad ng construction dahil sa hirap ng boundary system.

Aniya, tumaas na rin ang boundary mula P120 noon hanggang P150 sa kasalukuyan.

Ayon pa kay Abulencia, nasa 13 hanggang 20 biyahe ang karaniwang naisasagawa ng isang tsuper kada araw depende sa dami ng pasahero, lalo na kapag may pasok sa eskwela.

Para sa kanya, mas mahalagang mapanatili ang maayos na pila at patas na sistema upang magkaroon ng pantay na pagkakataong kumita ang lahat ng driver at may maipambili ng pagkain at iba pang pangangailangan ang kanilang mga pamilya.