Dagupan City – Itinaas na ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 1 ang Blue Alert Status bilang paghahanda sa epekto ng habagat at Tropical Depression Luis.
Ayon kay Adreanne Pagsolingan, Public Information Officer ng OCD Region 1, nangangahulugan ang Blue Alert na mas pinaigting ang monitoring at komunikasyon sa lahat ng Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs) at iba pang kaukulang ahensya upang mapabilis ang koordinasyon at agarang pagtugon sa anumang emergency.
Naglabas na rin ang OCD ng memorandum upang matiyak na nasa mataas na antas ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensyang sangkot sa disaster response.
Inaasahang makararanas ng malalakas na pag-ulan ang mga lalawigan ng La Union at Pangasinan hanggang Huwebes dahil sa pinagsamang epekto ng habagat at Tropical Depression Luis.
Samantala, mahigit 1,000 barangay sa Region 1 ang nakikita umanong nasa panganib ng pagbaha.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga residente, lalo na ang mga nakatira malapit sa mga ilog at baybayin, na maging handa sa posibleng pre-emptive evacuation at agad na sumunod sa mga abiso ng mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kanilang kaligtasan.








