Nanawagan si Senate Committee on Energy Chairperson Erwin Tulfo sa mga electric distribution at generation companies na makipagtulungan sa panukalang alisin ang system loss charge sa mga electric bill ng mga konsyumer at ipakita ang kanilang social responsibility.

Ayon kay Tulfo, hindi makatarungang ipasa sa mga ordinaryong Pilipino ang system loss habang kumikita ng bilyon-bilyong piso ang mga kumpanya ng kuryente.

Sinabi ng senador na target niyang matapos ang pagdinig ng Committee on Energy bago matapos ang taon upang makapagbalangkas ng mga repormang magbabawal sa pagpasa ng system loss charge sa mga consumer.

--Ads--

Aniya, malaking ginhawa sa mga pamilyang Pilipino ang ilang daang pisong matitipid kada buwan dahil maaari na itong ipambili ng bigas, gasolina at iba pang pangunahing pangangailangan.

Binigyang-diin din ni Tulfo na kailangan nang amyendahan ang mahigit 25 taong Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang maisakatuparan ang layunin nitong magbigay ng mas murang kuryente sa publiko.

Kaugnay nito, inihain na ni Tulfo ang Senate Resolution No. 537 na naglalayong imbestigahan ang polisiya ng pagpasa ng system loss charge sa mga konsyumer, Senate Bill No. 2239 na naglalayong ipawalang-bisa ang BP 36 o Energy Tax Law, at Senate Bill No. 2340 na nag-aalis ng Value-Added Tax (VAT) sa system loss charges. Aniya, umaasa siyang maisusulong ang mga panukalang ito sa tulong ng suporta ng administrasyon upang mapagaan ang pasanin ng mga consumer sa tumataas na singil sa kuryente.