Binigyang-diin ng mga opisyal ng lungsod ng Dagupan na ang panukalang ordinansa para sa mga menor de edad ay nakatuon sa kanilang kaligtasan at kapakanan sa halip na pagpapataw ng parusa.
Ayon kay Committee on Women and Children Chairperson Councilor Tala Paras, layunin ng panukala na mabigyan ng agarang tulong at tamang interbensiyon ang mga batang makikitang nasa lansangan sa dis-oras ng gabi.
Sa halip na parusahan, isasailalim sila sa protective assistance, family conferencing, at iba pang programang makatutulong sa kanila at sa kanilang pamilya.
Sinabi rin ni Paras na sasailalim sa pagsasanay ang mga barangay personnel upang matiyak na ang pagpapatupad ng ordinansa ay naaayon sa karapatan ng mga bata at sa umiiral na mga batas sa child protection.
Samantala, inamin ni Liga ng mga Barangay President Lino Fernandez na isa sa mga pinakamalaking hamon sa pagpapatupad ng mga patakaran ay ang paulit-ulit na paglabag ng ilang menor de edad.
Aniya, matapos maihatid pauwi ang mga batang nahuhuli sa gabi at makausap ang kanilang mga magulang, may ilan pa ring bumabalik sa lansangan makalipas lamang ang ilang araw.
Ayon kay Fernandez, madalas na nahuhuling nasa labas ng bahay ang mga batang mula sa mahihirap na pamilya. Aniya, may ilan sa mga ito ang tumatambay sa mga convenience store, mall, at iba pang establisimyentong bukas nang 24 oras.
Para naman kay Dagupan Federated Parent-Teachers Association President Ronald Uson, mahalagang makiisa ang mga magulang sa paggabay at pagdidisiplina sa kanilang mga anak. Sinabi niyang marami na ring magulang ang nahihirapang kontrolin ang kanilang mga anak na madalas na nasa labas ng bahay sa gabi.
Naniniwala si Uson na makatutulong ang mga seminar at information drive upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga magulang at mapalakas ang kanilang papel sa paggabay sa kanilang mga anak.
Sa kabuuan, sinabi ng mga opisyal na ang panukalang ordinansa ay gumagamit ng isang komprehensibong pamamaraan na kinabibilangan ng mga magulang, barangay, paaralan, at iba pang ahensya ng pamahalaan upang mas maprotektahan ang mga kabataan at maiwasan silang malagay sa panganib habang nasa lansangan sa gabi.










