Desperado na umano ang China at ang Chinese envoy sa pagpapakalat ng mali at pekeng impormasyon ukol sa West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesperson for the WPS, Rear Admiral Jay Tarriela, sunod-sunod na ang ginagawa ng Chinese Embassy in Manila na paglabas ng maling impormasyon bilang bahagi ng disinformation para sa kanilang pangangamkam sa pinag-aagawang karagatan.
Binalikan ni Tarriela ang umano’y paninira nina Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan at Deputy Spokesperson of the Chinese Embassy Guo Wei sa kaniya, bilang pinakamalakas na boses ng Pilipinas sa mga usapin sa WPS.
Inuungkat aniya ng mga ito ang paggamit niya noon ng satirical images at ipinagpipilitang binastos niya si Chinese Pres. Xi Jinping.
Gayunpaman, ang naturang imahe aniya ay hindi pa maihahambing sa lawak ng mga pambubully ng China, pangangamkam sa mga teritoryo ng Pilipinas sa WPS, at iba pang harassment activities ng naturang bansa laban sa mga Pilipino.
Samantala, kasunod ng naging diskusyon sa pagitan nina Admiral Tarriela at Sen. Robin Padilla ukol sa kontrobersiyal na racist video na inilabas ng Chinese state media, sinabi ni Tarriela na hindi pa sila personal na nagkakausap ng senador.
Aniya, wala silang personal na alitan ni Padilla, ngunit hinding-hindi akma ang kaniyang pahayag ukol sa naturang video, kaya’t kinailangan niya itong kuwestyonin.
Umaasa rin si Tarriela na naintindihan ni Padilla ang kaniyang posisyon, matapos ang pagbibigay ng mga paliwanag.




