Mas pinalalakas ng Philippine Heart Association (PHA) National Heart Failure Network ang kampanya nito upang mapalawak ang kaalaman ng mga doktor sa tamang pag-diagnose at paggamot sa mga pasyenteng may heart failure, sa layuning mapalapit ang dekalidad na serbisyong medikal sa mas maraming Pilipino.
Ayon kay Dr. Orlando Bugarin, Co-Director ng PHA National Heart Failure Network, hindi lamang mga pasyente ang target ng kanilang information campaign kundi maging ang mga manggagamot, lalo na ang mga nasa primary care. Sa pamamagitan ng educational tour ng organisasyon, naibabahagi ang pinakabagong kaalaman at mga pagbabago sa pamamahala ng heart failure upang mas marami pang doktor ang maging handa sa pagbibigay ng tamang lunas.
Ibinahagi rin ni Dr. Bugarin na mahalagang mapalawak ang saklaw ng pangangalaga sa mga lugar na kulang pa rin sa access sa espesyalistang serbisyo. Aniya, bagama’t may sapat nang pangunahing kagamitan sa Pangasinan tulad ng ECG, 2D echocardiogram, treadmill stress test, at catheterization laboratories na makatutulong sa pagsusuri ng mga pasyente, nananatiling mahalaga ang tamang medical history at physical examination bilang unang hakbang sa pagtukoy ng kondisyon ng isang pasyente.
Dagdag pa niya, ang mga kagamitang ito ay nagsisilbing suporta lamang upang makumpirma ang diagnosis at matukoy ang sanhi ng heart failure, na magsisilbing gabay sa mas angkop na paggamot. Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman ng mga doktor sa iba’t ibang lalawigan, inaasahan nilang mas maraming pasyente ang mabibigyan ng maagap at tamang pangangalaga kahit hindi agad makarating sa isang espesyalista.
Binigyang-diin din ni Dr. Bugarin na mahalaga ang papel ng mga primary care physician sa pagpapatupad ng Universal Health Care dahil sila ang unang nilalapitan ng mga pasyente, lalo na sa mga liblib na lugar. Sa patuloy na pagbabahagi ng kaalaman at pagsasanay, layunin ng PHA National Heart Failure Network na mapabuti ang kalidad ng pangangalaga sa mga may sakit sa puso at mapalawak ang access sa serbisyong pangkalusugan sa buong bansa.










