Dagupan City – Pormal nang pinasinayaan at binasbasan ang bagong gusali ng Bautista Municipal Police Station (MPS) sa isinagawang Ceremonial Turnover, Inauguration, and Blessing na naglalayong higit pang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo ng kapulisan sa mamamayan.
Ayon sa mga opisyal, ang bagong himpilan ay sumisimbolo ng mas matatag, moderno, at episyenteng serbisyo para sa mga residente ng bayan.
Inaasahan ding mas mapapalakas nito ang kakayahan ng mga pulis sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng komunidad.
Binigyang-diin na ang pagkakatayo ng bagong gusali ay bunga ng pagtutulungan ng Philippine National Police, mga lokal na opisyal, at iba pang katuwang na ahensya ng pamahalaan na nagkaisa upang maisakatuparan ang proyekto.
Sa ilalim ng pamumuno ni Police Captain Jerwin L. Cabreros, Officer-in-Charge ng Bautista Municipal Police Station, tiniyak ng himpilan ang patuloy na pagbibigay ng serbisyong makatao, maagap, at may integridad para sa bawat mamamayan.
Samantala, itinuturing ng mga opisyal na mahalagang hakbang ang pagbubukas ng bagong himpilan upang higit pang mapalakas ang tiwala ng publiko sa kapulisan at mas mapabilis ang pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad.










