Dagupan City – Pinuna ni Constitutional Law Expert at Political Analyst Atty. Joseph Emmanuel Cera ang umano’y pag-upload ni Sen. Pia Cayetano ng isang splice video sa social media, na aniya ay may implikasyon sa inaasahang pagiging patas ng isang senator-judge.

Ayon kay Cera, kahit magbitiw sa puwesto ang bise presidente, maaari pa ring magpatuloy ang impeachment trial ng pangulo kung ito ay naaayon sa umiiral na mga probisyon ng batas.

Ipinaliwanag din niya na sa kasong betrayal of public trust, kabilang sa mga isyung maaaring talakayin ang mga artikulo ng impeachment. Aniya, ang esensya ng kasong ito ay ang pananagutan ng isang opisyal na pangalagaan ang tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng publiko, anuman ang antas ng kanyang trust rating.

--Ads--

Dagdag pa ni Cera, mahalaga umanong hindi lamang maging patas ang isang senator-judge, kundi maging malinaw rin sa publiko na siya ay walang kinikilingan. Inihalintulad niya ito sa isang hukom na hindi dapat magkaroon ng anumang kilos na maaaring magbigay ng impresyon ng pagkiling sa alinmang panig.

Nilinaw rin ni Cera na iba umano ang konteksto ng naging pahayag ni Atty. Chel Diokno sa kanyang manifestation, na tumutukoy sa obligasyon ng isang abogado na huwag manlinlang.

Kaugnay nito, iginiit ni Cera na kung mapatutunayang sinadya ang pag-post ng isang mapanlinlang o maling materyal sa social media, maaari umano itong ituring na paglabag sa mga alituntunin ng legal ethics.

Samantala, nagpahayag naman si Cera ng pag-asang matatalakay ng pangulo ang mga pangunahing usaping kinahaharap ng bansa, kabilang ang pagpapalakas ng ekonomiya at pagtugon sa patuloy na nararanasang krisis ng mamamayan.