Dagupan City – Pinalalakas ng Lokal na Pamahalaan ng Pozorrubio ang kahandaan ng mga responder sa pagtugon sa mga sakuna at emergency sa pamamagitan ng matagumpay na pagsasagawa ng Basic Incident Command System (ICS) Training Course noong Hulyo 22 hanggang 24, 2026.
Isinagawa ang tatlong araw na pagsasanay sa ilalim ng pamumuno ni MDRRMC Chairperson at Mayor Kelvin T. Chan.
Nilahukan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at katuwang na organisasyon upang mapalawak ang kanilang kaalaman at kasanayan sa paggamit ng Incident Command System sa pamamahala ng mga insidente at sakuna.
Pinangunahan ng mga instructor mula sa Office of Civil Defense (OCD) ang mga lecture, workshop, at practical exercises.
Tinalakay sa pagsasanay ang mga pangunahing konsepto ng Incident Command System, kabilang ang wastong organisasyon ng response teams, pagpaplano, pamamahala ng mga insidente at resources, at iba pang mahahalagang prinsipyo upang maging mas epektibo ang pagtugon sa mga emergency.
Ayon sa Lokal na Pamahalaan ng Pozorrubio, bahagi ang naturang programa ng patuloy nitong pagsisikap na mapahusay ang kakayahan ng mga responder at Incident Management Teams upang matiyak ang mas mabilis at organisadong pagtugon sa anumang kalamidad o sakuna.
Sa pamamagitan ng ganitong mga pagsasanay, layunin ng LGU Pozorrubio na makabuo ng isang mas ligtas, mas handa, at mas matatag na komunidad.










