Dagupan City – Pinatunayan ng mga disaster responders mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Pangasinan ang kanilang kahandaan sa pagtugon sa sakuna sa isinagawang dalawang araw na Pangasinan Challenge: Night March – Mass Assembly for Rescuers with Care for Humanity bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs), Philippine Army, Pangasinan Police Provincial Office, Bureau of Fire Protection, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Sa ilalim ng suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Ramon V. Guico III, nagsimula ang hamon sa isang night march mula sa Bugallon Municipal Hall patungong Cayanga Eco Park, kung saan isinagawa rin ang casualty evacuation and rescue simulation at overnight camping upang higit na mapahusay ang koordinasyon at kakayahan ng mga kalahok sa aktuwal na sitwasyon ng sakuna.

--Ads--

Nagbigay rin ng suporta sa programa sina Acting Regional Director ASEC Lawrence E. Mina ng Office of Civil Defense Region 1, Bugallon HRMO Head Janette S. Soriano, at Executive Assistant III Atty. Ronn Dale Castillo bilang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan.

Sa pamamagitan ng naturang hamon, patuloy na pinalalakas ng lalawigan ang kahandaan ng mga rescuers sa pamamagitan ng aktuwal na pagsasanay na humuhubog sa kanilang kakayahang magtulungan, gumawa ng mabilis na desisyon, at epektibong tumugon sa iba’t ibang uri ng kalamidad at emerhensiya.