Nananatiling sakit sa puso ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino, ayon sa mga opisyal ng Philippine Heart Association (PHA).
Dahil dito muli silang nanawagan para sa mas maigting na kampanya sa pag-iwas sa cardiovascular diseases at pagpapalawak ng access sa serbisyong pangkalusugan sa mga lalawigan.
Ayon kay Dr. Abegeil S. Diaz-Vinluan, Pangulo ng PHA North Luzon Chapter, karaniwang nagsisimula ang maraming kaso ng sakit sa puso sa hindi nakokontrol na hypertension o mataas na presyon ng dugo.
Aniya, kapag napabayaan ang hypertension, maaari itong humantong sa heart failure at iba pang malulubhang komplikasyon.
Bukod dito, maaari ring magdulot ng sakit sa puso ang diabetes, sakit sa bato, paninigarilyo, kakulangan sa regular na pagpapasuri, at mga namamanang kondisyon.
Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng maagang pagtukoy sa mga panganib at tamang edukasyon sa publiko upang maiwasan ang paglala ng sakit.
Samantala, sinabi ni Dr. Aurora Gamponia, National President ng Philippine Heart Association, na patuloy ang kanilang mga adbokasiya para sa pag-iwas sa cardiovascular diseases sa pamamagitan ng pagsusulong ng masustansyang pamumuhay.
Kabilang sa kanilang mga rekomendasyon ang pagkain ng low-salt at low-sugar diet, pag-iwas sa alak at paninigarilyo, sapat na tulog, at regular na ehersisyo.
Gayunman, inamin niyang malaking hamon ang pagpapatupad nito, lalo na sa mga kabataang mas maraming oras na ginugugol sa paggamit ng gadgets at social media.
Bukod sa preventive health campaigns, tinututukan din ng PHA ang kakulangan ng mga cardiologist sa maraming bahagi ng bansa.
Sa kasalukuyan, nasa 60 porsiyento ng mahigit 2,550 miyembro ng PHA ang nakabase sa Metro Manila.
Tinatayang isang cardiologist lamang ang nagsisilbi sa bawat 44,000 Pilipino, na mas mababa sa target ng World Health Organization na isang cardiologist sa bawat 25,000 katao.
Dahil dito, patuloy ang PHA sa pagpapalawak ng kanilang serbisyo sa mga lugar na kulang sa mga espesyalista tulad ng mga liblib na lugar sa probinsya.
Ngayong 2026, nakapagtatag ang organisasyon ng apat na bagong sub-chapters sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at Zamboanga Sibugay upang mapalapit ang serbisyong pang-cardiology sa mga komunidad sa labas ng mga pangunahing lungsod.
Ayon sa PHA, layunin ng hakbang na ito na mapahusay ang koordinasyon ng mga espesyalista sa mga underserved areas at mabigyan ng mas maagap na pangangalaga ang mga pasyenteng nahihirapang bumiyahe patungo sa mga urban center para magpagamot.










