Pormal nang iniluklok si Dr. Abegeil S. Diaz-Vinluan bilang bagong Pangulo ng Philippine Heart Association (PHA) North Luzon Chapter, kasama ang mga bagong opisyal at miyembro ng samahan, sa isang seremonya na pinangunahan ni PHA National President Dr. Aurora Muriel Gamponia sa harap ng mga miyembro mula sa Region I sa Monarch Hotel sa bayan ng Calasiao.
Isinagawa ang induction ceremony bilanh hudyat ng maayos na transisyon ng pamunuan ng PHA North Luzon habang ipinagpapatuloy ang mga adbokasiya ng organisasyon para sa mas malawak na serbisyong pangkalusugan sa puso sa rehiyon at sa buong bansa.
Ayon kay Dr. Diaz-Vinluan, layunin ng bagong pamunuan na ipagpatuloy ang mga programa ng pambansang organisasyon habang pinalalawak ang serbisyo ng mga cardiologist sa mga malalayong komunidad.
Sinabi rin niya na patuloy na lumalakas ang hanay ng mga cardiologist sa North Luzon, kabilang ang humigit-kumulang 29 sa Pangasinan, 19 sa Ilocos Sur at Norte at mahigit 14 sa La Union.
Bagama’t maaari nang bumuo ng hiwalay na chapter ang ilang lalawigan dahil sa dami ng mga espesyalista, sinabi nito na nananatiling matibay ang samahan ng mga cardiologist sa North Luzon.
Samantala, binigyang-diin ni Dr. Aurora Gamponia ang National President ng PHA ang tatlong pangunahing programa ng na isinusulong sa ilalim ng kanyang pamumuno kabilang ang One Cardiologist for Every City/Province, Philippine Rheumatic Heart Disease Eradication Program at CPR-Ready Barangays sa ilalim ng CPR-ReadyPH Campaign
Ayon kay Gamponia, bagama’t dumarami na ang mga cardiologist sa bansa, nananatiling malaking hamon ang hindi pantay na distribusyon ng mga espesyalista.
Inihayag din ni Dr. Gamponia na nakatakdang ipagdiwang ng Philippine Heart Association ang ika-75 anibersaryo nito sa 2027 at plano nitong hilingin sa Pangulo ng Pilipinas na ideklara ang 2027 bilang “Year of the Heart.”
Aniya, layunin nitong higit pang mapalakas ang suporta ng pamahalaan at ng publiko sa mga programa at adbokasiya para sa pag-iwas at maagang paggamot sa mga sakit sa puso, na nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa.










