Dagupan City – Kinansela ng Schools Division Superintendent ang face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan sa Dagupan City ngayong Biyernes, Hulyo 24, 2026, matapos makatanggap ng online security threat na agad na iniulat sa mga kinauukulang awtoridad para sa beripikasyon at masusing pagsusuri.
Ayon sa abiso ng Schools Division Office, layunin ng hakbang na matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral, guro, kawani, at iba pang miyembro ng komunidad ng paaralan.
Sa halip na pumasok sa paaralan, ipatutupad ang Alternative Delivery Mode (ADM) upang matiyak na magpapatuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral. Inatasan ang mga guro na ipagpatuloy ang mga gawaing pampagkatuto at makipag-ugnayan sa mga estudyante sa pamamagitan ng mga itinalagang online learning platforms at communication channels ng bawat paaralan.
Binigyang-diin ng Schools Division Office na nananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng lahat ng kabilang sa komunidad ng paaralan. Patuloy rin itong nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad at susunod sa kanilang mga rekomendasyon hinggil sa operasyon ng mga paaralan.
Hinimok din ang publiko na manatiling kalmado, umiwas sa pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, at huwag magbahagi ng mga screenshot, tsismis, o mga haka-hakang post sa social media habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.










