Dagupan City – Posibleng magbigay-linaw sa alegasyon ng unexplained wealth laban kay Vice President Sara Duterte ang naging pagpayag ng Senate impeachment court na ma-subpoena ang kanyang bank records, Anti-Money Laundering Council (AMLC) records, at tax records, ayon sa isang constitutional law expert.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Law Expert at Political Analyst, nananatiling malaking hamon para sa prosecution ang pagpapatunay na ang mga ikinakaharap na alegasyon laban sa bise presidente ay maituturing na criminal offense.

Aniya, mahihirapan ang prosecution na patunayan ang alegasyong grave threat dahil wala umanong mga affidavit mula sa mga sinasabing biktima ng pagbabanta.

--Ads--

Kaugnay nito, sinabi rin ni Cera na nananatiling hindi pa beripikado ang sinasabing utos na ipapatay umano ang Pangulo, ang First Lady, at si House Speaker Martin Romualdez, gaya rin ng naunang pahayag ni Atty. Michael Matibag.

Dagdag pa niya, makikita sa mga naging pahayag ng bise presidente ang tinawag niyang “meltdown,” na maaari umanong makaapekto sa pananaw ng mga senator-judges at ng publiko kung magiging sapat ba ito upang suportahan ang isang hatol ng pagkakasala.

Samantala, sinabi ni Cera na ang naging pahayag ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno tungkol sa pagpapasubpoena sa AMLC, mga bangko, at iba pang kaugnay na ahensya ay isang pangunahing hakbang upang masuri ang alegasyon ng unexplained wealth.

Aniya, magiging mahalaga ang mga dokumentong ito sa pagtalakay sa due process, pagsusuri sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at sa mga ebidensyang inihaharap ng prosecution upang ipaliwanag kung paano umano lumobo ang yaman ng bise presidente.

Sa ikapitong araw ng impeachment trial, sinabi ni Senate impeachment court Presiding Officer Senador Francis “Chiz” Escudero na may sapat na batayan upang hilingin ang bank records, AMLC records, at tax records ni Vice President Duterte.

Naglabas din ang Senate impeachment court ng panibagong subpoena para sa dalawang dating branch manager ng Land Bank of the Philippines na inaasahang haharap bilang mga testigo sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Miyerkules, Hulyo 29.

Ayon kay Cera, sa pamamagitan ng cross-examination sa mga dokumento at ebidensya, masusuri ang lawak ng mga alegasyon ng prosecution at kung may sapat na batayan ang kanilang pahayag hinggil sa umano’y paglobo ng kayamanan ng bise presidente.

Samantala, sinabi rin ni Cera na kung sakaling ma-impeach si Vice President Duterte, may mekanismo pa rin sa ilalim ng Konstitusyon para magkaroon ng bagong bise presidente na magmumula sa Kongreso hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang termino sa 2028.

Kaugnay naman ng nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, sinabi ni Cera na inaasahan niyang mabibigyang-linaw ang mga usapin tungkol sa mga flood control project na nauna nang binanggit sa nakaraang SONA.

Aniya, mahalagang malaman ng publiko ang mga naging hakbang ng pamahalaan laban sa mga iregularidad sa mga proyektong ito, kabilang ang pananagutan ng mga sangkot at ang mga naging development sa malalaking contractors.

Umaasa rin si Cera na matatalakay ng Pangulo ang mga konkretong hakbang upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.