Dagupan City – Mahigpit na ipinatutupad ng pamunuan ng Lingayen Public Market ang araw-araw na pagsusuri at calibration ng mga timbangan upang matiyak na tama ang timbang ng mga produktong ibinebenta at maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili.
Ayon kay Market Supervisor Arnulfo S. Bernardo, regular nilang iniinspeksyon ang mga timbangan dahil may ilang nagtitinda na sadyang minamanipula ang kanilang mga kagamitan. Aniya, dati ay nakumpiska at winasak ng kanilang tanggapan ang halos 400 depektibo at minanipulang timbangan bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa pandaraya.
Sinabi rin ni Bernardo na malaki ang naitulong ng mahigpit na pagpapatupad ng inspeksyon dahil nabawasan ang mga insidente ng paggamit ng maling timbangan sa pamilihan. Patuloy din ang kanilang pagbabantay upang matiyak na sumusunod ang lahat ng mga vendor sa umiiral na mga alituntunin ng pamilihan.
Ipinaliwanag pa niya na ang mga mahuhuling gumagamit ng minanipulang timbangan ay agad na kukumpiskahan ng kanilang kagamitan at bibigyan ng babala sa unang paglabag. Kapag paulit-ulit ang paglabag, ipatutupad ang kaukulang parusa alinsunod sa Market Code, kabilang ang posibleng pagbawi ng kanilang permit at puwesto sa pamilihan.
Sa pamamagitan ng mahigpit na inspeksyon at pagpapatupad ng mga patakaran, layunin ng pamunuan ng Lingayen Public Market na mapanatili ang patas na kalakalan at matiyak na nakatatanggap ng tamang timbang ang bawat mamimili.










