Dagupan City – Matagumpay na isinagawa ng National Police Commission (NAPOLCOM) Pangasinan ang ika-5 taunang Gift-Giving Activity sa Barangay Pugaro sa bayan ng Manaoag

Ito ay pinakinabangan ng nasa mahigit 50 hanggang 70 pamilya, o tinatayang 250 hanggang 300 indibidwal sa lugar.

Bahagi ng aktibidad sa taunang outreach program ng NAPOLCOM at pagdiriwang ng ika-31 Police Community Relations (PCR) Month na may temang, “Sa Bagong Pilipinas, Ugnayang Pulis at Mamamayan: Tapat, Maaasahan, at Nararamdaman.”

--Ads--

Layunin ng programa na higit pang palakasin ang ugnayan ng kapulisan at mamamayan sa pamamagitan ng paghahatid ng tulong at mga serbisyong pangkomunidad.

Sa ikalimang magkakasunod na taon, muling napili ang Barangay Pugaro bilang benepisyaryo ng programa. Karamihan sa mga tumanggap ng tulong ay mga bata at pamilyang naninirahan sa dumpsite at sa mga lugar malapit sa Regional Evacuation Center.

Pinangunahan ni PMAJ Arnel R. Tamayo, Officer-in-Charge ng Manaoag Police Station, ang pamamahagi ng iba’t ibang donasyon mula sa mga sponsor at stakeholders.

Kabilang sa mga ipinamahagi ang grocery packs, hygiene kits, matatamis na pagkain para sa mga bata, preloved clothes, mga laruan, tsinelas, at bitamina para sa mga bata.

Bukod sa pamamahagi ng ayuda, nagbigay rin ng libreng serbisyo ang iba’t ibang katuwang na ahensya at organisasyon. Kabilang dito ang libreng gupit mula sa Pangasinan Police Provincial Office at 1st Provincial Mobile Force Company, oral care products mula sa Philippine Dental Association–Pangasinan Chapter, at libreng almusal na sopas at pandesal mula sa LGU Mobile Kitchen o “Ming Kusina Food Truck” katuwang ang Barangay Pugaro.

Nakiisa rin sa aktibidad ang mga opisyal ng NAPOLCOM, Philippine National Police, lokal na pamahalaan, at iba pang partner agencies at non-government organizations bilang suporta sa programa kaya naging maayos at matagumpay ang kaganapan.

Samantala, sa pamamagitan ng programang ito, muling naipamalas ang diwa ng bayanihan, malasakit, at serbisyong may puso para sa mga pamilyang higit na nangangailangan sa komunidad.