Dagupan City – Kinilala ang Lokal na Pamahalaan ng Pozorrubio bilang nag-iisang municipal-level local government unit mula sa lalawigan ng Pangasinan na tumanggap ng Fiscal Transparency Award mula sa Department of Budget and Management (DBM) Region I.

Iginawad ang prestihiyosong pagkilala sa unang araw ng Local Budget Forum CY 2026 na ginanap noong unang linggo ng hulyo sa Center for Harvest Activities, Value Chain Development, Innovation, and Training (CHAVIT) Coliseum sa Vigan City, Ilocos Sur.

Personal na tinanggap ni Mayor Kelvin T. Chan ang parangal kasama ang mga miyembro ng Local Finance Committee at iba pang opisyal ng munisipyo.

--Ads--

Ayon sa DBM Region I, ang Fiscal Transparency Award ay ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaang patuloy na nagpapakita ng mataas na antas ng pagsunod sa mga pamantayan ng fiscal transparency, accountability, at responsableng pamamahala sa pampublikong pondo.

Bukod sa Pozorrubio, kabilang din sa mga pinarangalan ang Municipality of Bantay sa Ilocos Sur, Municipality of Marcos at Municipality of San Nicolas sa Ilocos Norte, Provincial Government of La Union, City of Alaminos sa Pangasinan, at mga bayan ng Aringay at Santol sa La Union.

Ayon sa pamahalaang bayan, ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa sama-samang pagsisikap ng administrasyon ni Mayor Chan, ng mga opisyal, at ng mga kawani ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng tapat, responsable, at mahusay na pamamahala.

Pinagtitibay rin nito ang kanilang pangako na tiyakin ang wastong paggamit ng pondo ng bayan at ang patuloy na paghahatid ng episyente at dekalidad na serbisyon pampubliko para sa bawat residente ng bayan.