Dagupan City – Ipinaliwanag ni Agno Mayor John Celeste ang kahalagahan ng grey at green infrastructure bilang bahagi ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan sa pagtugon sa pagbaha, sa isinagawa niyang State of the Municipality Address (SOMA).
Ayon kay Celeste, bagama’t maraming imburnal sa bayan, karamihan sa mga ito ay walang sapat na accessories at ang mga drainage structure ay may mga gate na nagiging dahilan upang maging tuluy-tuloy ang pagpasok ng tubig-ulan. Dahil dito, mabilis umapaw ang tubig sa ilang lugar.
Dagdag pa ng alkalde, ang mga culvert ay isa rin sa mga nakikitang sanhi ng pagbabara at pagbagal ng daloy ng tubig, na nagdudulot ng pagbaha sa panahon ng malakas na ulan.
Ipinaliwanag din niya na ang grey infrastructure o flood control ay tumutukoy sa mga artipisyal na estrukturang ginagamit upang makontrol ang pagbaha, tulad ng mga drainage system, dike, at iba pang flood control facilities.
Samantala, ang green infrastructure ay nakatuon sa low impact development, isang pamamaraang naglalayong pamahalaan ang tubig-ulan sa mismong lugar kung saan ito bumabagsak. Layunin nitong mabawasan ang runoff at mapabuti ang natural na pagsipsip ng tubig upang makatulong sa pag-iwas sa pagbaha.










