Nagbabala ang Philippine Coconut Authority (PCA) North Luzon laban sa mga indibidwal na nagpapanggap na mga kinatawan ng ahensya at naniningil umano ng registration fee sa mga magniniyog at coconut traders.
Ayon kay PCA North Luzon Regional Manager Mark Roy Macanlalay, may mga naitalang insidente kung saan nagpapakilala ang ilang tao bilang bahagi ng ahensya upang maningil ng bayad para umano sa pagproseso ng permit.
Aniya, may mga biktimang siningil ng tig-P300 bilang registration fee. Kabilang umano sa kanilang mga pinupuntahan ang mga traders upang kumbinsihin na magbayad para sa nasabing proseso.
Sinabi ni Macanlalay na sinasamantala ng ilang indibidwal ang pangalan ng PCA, at hindi lamang sa North Luzon kundi maging sa iba pang rehiyon ay may naitatala ring kaparehong modus.
Ibinahagi rin niya na may isang insidente noon sa Manaoag kung saan nasangkot ang pangalan ng PCA matapos mapagkamalan ang mga tunay na kinatawan ng ahensya na mga scammer dahil sa mga kumakalat na panloloko.
Hinimok ng PCA North Luzon ang publiko, lalo na ang mga magniniyog at traders, na agad ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang anumang kahina-hinalang paniningil o transaksyon na gumagamit sa pangalan ng ahensya.










