Dagupan City – Sumailalim sa Client Engagement Training ang mga health worker mula sa 14 na government hospitals sa Pangasinan bilang bahagi ng patuloy na pagpapahusay ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.
Pinangunahan ang pagsasanay ng Human Resource Management and Development Office (HRMDO) katuwang ang Provincial Hospital Management and Services Office (PHMSO).
Layunin ng programa na higit pang mapataas ang antas ng serbisyong medikal sa mga provincial hospital sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kakayahan ng mga health worker sa maayos at epektibong pakikipag-ugnayan sa kanilang mga pasyente. Kabilang din sa mga tinalakay ang wastong pagharap sa mga kliyente at pagbibigay ng maagap at dekalidad na serbisyo.
Sa pamamagitan ng pagsasanay, inaasahang mas mapapalakas ang tiwala ng publiko sa mga pampublikong pagamutan at masisiguro ang mas mabilis, maayos, at makataong pagtugon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng bawat pasyente.
Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga programang nakatuon sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan bilang bahagi ng layunin nitong makapaghatid ng dekalidad, episyente, at makataong serbisyo para sa bawat mamamayan ng Pangasinan.










