Dagupan City – Inaasahang mababawasan ang bilang ng mga bumibiyaheng jeepney sa Pangasinan sa susunod na linggo kasunod ng nakaambang bigtime oil price hike.

Ayon kay Bernard Tuliao, Presidente ng AUTOPro Pangasinan, posibleng bawasan ng mga tsuper at operator ang kanilang mga biyahe dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sinabi ni Tuliao na napakalaki ng dagdag sa presyo ng krudo kaya’t napipilitan ang ilang operator na limitahan ang kanilang pamamasada upang mabawasan ang kanilang pagkalugi.

--Ads--

Isa sa mga nakikitang solusyon ng kanilang grupo ang pagpapatupad ng “coding” o iskedyul ng pamamasada upang mabalanse ang operasyon at mabawasan ang gastusin ng mga tsuper at operator.

Patuloy din aniyang isinusulong ng kanilang grupo ang dagdag sa pamasahe dahil hindi pa rin nagiging matatag ang presyo ng langis at patuloy itong nagiging pabigat sa sektor ng transportasyon.

Hindi rin umano sila pabor sa kasalukuyang service contracting program ng pamahalaan dahil hindi naman lahat ng operator, partikular ang mga traditional jeepney, ang nakikinabang dito.

Aniya, mas makabubuti kung ilalaan na lamang ang pondo sa pagpapababa ng presyo ng krudo upang lahat ng nasa sektor ng transportasyon ay makinabang.