Nakatakdang depensahan ni Ryan Garcia ang kaniyang WBC welterweight title laban kay Conor Benn sa Setyembre 12, 2026.
Gaganapin ang laban ng dalawa sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, batay sa inisiyal na schedule ng naturang laban.
Sa kasalukuyan, isinasapinal pa ang ibang detalye ng laban ngunit bago nito ay dati nang nagpapahayag ng interest ang kampo ng dalawang boksingero na makapagharap sa ring.
Inaasahang magiging mahigpit ang naturang laban, lalo na at magkaiba ang taglay na boxing skills ng mga ito. Hawak ni Garcia ang mapaminsalang left hook at mabilis na kilos habang si Benn ay kilala sa kaniyang heavy combinations at forwardpressure.
Sa ngayon, hawak ni Garcia ang 25 panalo at dalawang pagkatalo. Dalawampu sa naturang panalo ay pawang mga knockouts.
Kaparehong bilang din (25) ang panalo ng British boxer na si Benn ngunit 14 lamang dito ang nagawa niyang maipanalo sa pamamagitan ng knockout habang isa pa lamang ang kaniyang natikmang pagkatalo.
Dalawang buwan bago ang laban, itinuturing bilang heavy favorite si Garcia kung saan ibinibigay sa kaniya ng mga oddsmaker ang hanggang 75% win probability habang underdog naman si Benn.| via Bombo Everly Rico




