Dagupan City – Binatikos ng labor group na Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) ang patuloy na suliranin sa kawalan ng trabaho sa bansa, kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may tinatayang 2.50 milyong Pilipino na may edad 15 pataas ang walang trabaho o kabuhayan noong Mayo 2026.
Ayon kay Josua Mata, Secretary General ng SENTRO, hindi na bago ang kuwento ng pagtaas ng employment rate dahil kasabay nito ay nananatiling mababa ang kalidad ng maraming nalilikhang trabaho.
Aniya, malaking bahagi ng mga bagong empleyado ay mga unpaid family workers at mga manggagawa sa sektor ng serbisyo kung saan laganap umano ang kontraktuwalisasyon.
Dagdag pa niya, ito ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa na hanggang ngayon ay hindi pa rin umano natutugunan ng pamahalaan.
Itinuro rin ni Mata ang epekto ng El Niño, na aniya’y pangunahing nakaapekto sa mga magsasaka at sa sektor ng agrikultura, dahilan upang lalo pang lumala ang kawalan ng disenteng hanapbuhay.
Pinuna rin niya ang pahayag ng Pangulo kaugnay ng ₱200 wage intervention para sa mga manggagawa sa Metro Manila. Ayon kay Mata, malinaw umanong hindi nito nararamdaman ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa dahil ang kinakailangan ay nationwide wage increase at hindi lamang nakatuon sa National Capital Region.
Binigyang-diin din niya na ang mga pangunahing gastusin ng mga manggagawa, gaya ng pagkain, kuryente, tubig at iba pang bayarin, ay kailangang bayaran nang buo kaya’t hindi sapat ang paunti-unting ayuda o limitadong dagdag-sahod.
Aniya pa, marami sa mga gumagawa ng mga polisiya ay hindi pa umano nakaranas mamuhay bilang isang minimum wage earner.
Tinukoy rin ni Mata ang umano’y paggamit ng ilang malalaking negosyo sa mas maliliit na kumpanya bilang mga contractor upang makapagbigay ng mas mababang sahod sa mga manggagawa, lalo na sa mga empleyado ng mga department store sa labas ng National Capital Region, kahit pareho lamang ang presyo ng mga produktong ibinebenta.
Ikinalungkot din ng labor leader ang umano’y hindi pakikipagpulong ng pamahalaan sa mga labor union at ang kawalan ng dayalogo sa mga tripartite meeting.
Samantala, kaugnay ng nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, sinabi ni Mata na wala silang inaasahang mga bagong hakbang para sa sektor ng paggawa dahil, aniya, mula nang maupo ang Pangulo sa puwesto ay wala pa silang nakikitang konkretong programang tunay na makatutulong sa mga manggagawa.










