Mariing itinanggi ng Malacañang ang alegasyon na may impluwensiya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ng Pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, matagal nang nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ) ang NBI at bahagi ng ehekutibo ang DOJ, kaya hindi dapat kuwestiyunin ang istruktura nito.
Aniya, may sariling mandato ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon sa anumang banta sa Pangulo.
Sinabi rin ni Castro na seryosong tinugunan ng Pangulo ang naging pahayag ng Bise Presidente at hindi ito binalewala.
Aniya, mahalagang imbestigahan ang naturang usapin upang matiyak ang seguridad ng Pangulo, ng Unang Ginang, at ng dating House Speaker, gayundin ang kapakanan ng bansa.










