Naniniwala ang constitutional law expert na si Atty. Joseph Emmanuel Cera na hindi awtomatikong ipatitigil ng Korte Suprema ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Cera, kinakailangan munang may isang tao o grupo na magsampa ng petisyon sa Supreme Court upang pagdesisyunan ang mga isyung legal na may kaugnayan sa impeachment trial.

Ipinaliwanag niya na isa sa mga maaaring idulog sa Korte Suprema ay ang pagtiyak kung ano ang tamang bilang ng boto na kailangan upang mahatulan ang bise presidente—kung 16 na boto ba o dalawang-katlo ng mga senador na aktuwal na lumahok sa paglilitis.

--Ads--

Samantala, sa usapin ng presiding officer ng impeachment court, sinabi ni Cera na mas angkop si Senate President Francis Escudero sa tungkuling ito kaysa kay Senator Win Gatchalian. Aniya, si Escudero ay isang abogado, litigator at propesor sa UP College of Law kaya mas may sapat na karanasan sa paghawak ng mga legal na usapin.

Dagdag pa ni Cera, naging mabilis din umano si Escudero sa pagresolba sa mga objection, manifestation, procedural matters at iba pang mosyon sa impeachment court.

Bagama’t hindi naman ipinagbabawal na hindi abogado ang magsilbing presiding officer, sinabi ni Cera na maaari itong magbukas ng mas maraming legal na isyu na posibleng umabot sa Supreme Court. Aniya, magiging mahirap ding bigyang-katwiran ang pakikialam ng Korte Suprema dahil sa prinsipyo ng independence ng bawat sangay ng pamahalaan.

Matatandaang naghain ng petisyon sa Supreme Court ang kampo ni Vice President Sara Duterte upang ipatigil ang impeachment proceedings at kinuwestiyon din ang pamumuno ni Senate President Francis Escudero bilang presiding officer.

Ayon sa kampo ng bise presidente, nakasaad sa Konstitusyon na ang Senate President ang dapat mamuno sa impeachment trial, maliban lamang kung ang Pangulo ang nililitis, kung saan ang Chief Justice ng Korte Suprema ang magsisilbing presiding officer.