Nilinaw ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan na hindi lahat ng puno sa loob ng Capitol Complex ang aalisin sa gitna ng pagpapatuloy ng Capitol Redevelopment Program.
Ayon kay Pangasinan vice governor Mark Ronald Lambino, bahagi ng proyekto ang pagsasaayos ng Capitol Complex upang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko, mapalakas ang turismo, makatulong sa pagtugon sa suliranin sa pagbaha, at mapanatili ang kasaysayan at kultura ng lalawigan.
Kasunod ng mga reaksyon ng publiko kaugnay ng pagputol ng ilang puno, sinabi ng pamahalaang panlalawigan na kinikilala nito ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at nauunawaan ang pangamba ng ilang residente.
Ipinaliwanag ni Lambino na naranasan ng probinsya ang malawakang pagbaha ng nakaraang bagyo gaya ng bagyong Uwan.
Ang mga punong inalis ay bahagi lamang ng mga lugar na maaapektuhan ng redevelopment project at karamihan sa mga ito ay tinukoy na mga invasive species.
Ayon pa rito, isinagawa ang naturang hakbang alinsunod sa mga kinakailangang pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Bahagi ng redevelopment program ang pagtatanim ng mga ornamental trees bilang kapalit ng mga inalis na puno upang mapanatiling luntian ang Capitol Complex
Ipinunto rin niya hindi isinasantabi ang pangangalaga sa kapaligiran, sa pamamagitan ng Green Canopy Program na inilunsad ng administrasyon ni Governor Ramon Guico III sa Bugallon.
Sa ilalim ng programa, mahigit 700,000 puno na ang naitanim sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan bilang bahagi ng layunin nitong makapagtanim ng isang milyong puno sa buong lalawigan.
Ayon pa sa provincial government, ang Capitol Redevelopment Program ay isang pangmatagalang pamumuhunan na magbibigay ng mas moderno, mas ligtas, at mas episyenteng pasilidad para sa mga Pangasinense, habang tinitiyak na mananatiling bahagi ng bagong Capitol Complex ang mga luntiang espasyo sa pamamagitan ng replanting at landscape development.










