Malapit nang matapos ang proyekto ng pagsasaayos at pagpapalit ng lumang bubong sa bahagi ng Meat Section sa Building 9 at 10 ng Mangaldan Public Market kung saan inaasahang ganap na matatapos bago mag-ika‑15 ng Hulyo ngayong taon.

Ayon kay Pedrito Rivera, ang OIC Market Supervisor ng nasabing pamilihan na mag-aapat na linggo nang isinasagawa ang proyektong ito upang palitan ang bubong na tumagal na ng mahigit tatlong dekada at puno na ng mga butas.

Dahil sa luma at sira nang istruktura, madalas nababasa ang mga paninda at mga nagtitinda tuwing umuulan.

--Ads--

Bukod sa bubong, bibigyan na rin ng solusyon ang problema sa mga daluyan ng tubig o alulod sa gitnang bahagi ng pamilihan kung saan malakas ang pagbuhos ng tubig kapag may bagyo o malakas na ulan dahil may mga butas na rin na nakakaperwisyo din sa mga vendors sa lugar.

Ayon kay Gina Biay, isa sa mga matagal nang nagtitinda ng karne, malaki umano ang ginhawa ang ginawang pagkumpuni sa bubong ng kanilang section.

Ayon sa kanya, dati ay butas butas ang bubong nila pero ngayon ay inaayos na para maibsan ang problema ng pagtulo ng tubig kapag malakas ang ulan.

Nagpapasalamat ito sa proyekto lalo na kapag natapos na dahil nakakatiyak siya na maghahatid ito sa kanila ng maayos na pagbebenta sa kanilang mamimili na walang prinoproblema.

Sa kabilang banda, Nakikiusap naman ang ilang nagrerenta at nagtitinda sa loob ng pamilihang bayan ng Mangaldan lalo na sa malapit sa may alulod na may butas ng agarang aksyon at pagkukumpuni dahil kapag umuulan ay nagdudulot ito ng problema.

Ayon kina Virgie Aquino at Romel Aumento, ilang taon na nilang tinitiis ang malakas na pagtulo ng tubig tuwing umuulan at nagsasanhi din ng kanilang pagkabasa o kaya sa kanilang mga paninda.

Nagdudulot din ito ng madulas na daanan na nagsasanhi ng kahirapan sa pagdaan ng mga nagpupunta sa palengke.

Dahil dito, umaasa sila na matutugunan na ang kanilang hinaing kasabay ng mga kasalukuyang proyekto sa pagpapaganda ng kanilang pamilihang bayan.